MANILA, Philippines - Walang plano ang whis tleblower na si Joey de Venecia III na manahimik na lamang makaraang ilabas ang committee report ng Senate Blue Ribbon kaugnay ng ZTE-NBN scam.
Ang pahayag nito ni de Venecia ay dahil na rin sa rekomendasyon ng komite na kasuhan pati ang mga nagbunyag sa anomalya na tulad niya.
Sinabi niya na, kung ang intensyon ng final report ng komite ay mabatid na si First Gentleman Mike Arroyo ang siyang utak ng nasabing anomalya, naniniwala ito na ginawa talaga ng komite ang kanilang trabaho.
Kasabay rin nito, nagpasalamat si de Venecia kina Senators Ping Lacson, Chiz Escudero at Alan Peter Cayetano na naninindigan na hindi dapat isama sa kaso ang mga whistleblowers na tulad nila ni Jun Lozada.
Pero para kay de Venecia, mas lalong hindi siya tatahimik sa kanyang mga nalalaman sa anomalya sa ZTE-NBN deal hanggang sa mapatunayan niyang totoo ang lahat ng kanyang alegasyon. (Butch Quejada)