'Sabwatan' para buwagin ang PASG lumutang sa House hearing
MANILA, Philippines - Naniniwala si Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) chief Undersecretary Antonio Villar Jr. na milyong piso ang pondo ng mga kalaban ng nasabing ahensiya upang magtagumpay sa kanilang hangarin na mabuwag ang PASG.
Ayon kay Usec. Villar, ang anti-PASG campaign nina Agapito Mendez Jr. ng Professional Customs Brokers Association of the Philippines at Atty. Bonifacio Alentajan ay nagawang “makumbinsi” at “malinlang” si Albay Rep. Francis Bichara at ilang miyembro ng Kamara.
Nakita ang sabwatan sa pagitan ni Mendez at Alentajan sa ginawang pagdinig ng House committee on good governance kamakalawa.
Sinabi pa ni Villar na masama ang loob nina Alentajan at Mendez sa PASG. Si Alentajan ang abogado ng umano’y jewelry smuggler na si Alpha Kwok habang nakasuhan naman si Mendez dahil umano sa pag-divert ng 573 rolls na fabric na naka-consigned sa New River Apparel.
Sinasabi sa record na takda sanang i-deliver ang kargamento sa bodega ng New River sa Taytay, Rizal pero inilihis ito patungo sa bodega ng Best Print Textile sa Meycauayan, Bulacan.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng PASG ang kaso ng 5,000 containers ng textile fabrics at plastic reson na nakapasok sa warehousing entry scheme na pinayagan ni Mendez kapalit ng pagbabayad lamang ng P1.2 milyon.
Ayon kay Villar, kung talagang nasa consumption entry ang nasabing shipment ay dapat P1.4 milyon ang bina yaran nitong taxes at duties. (Rudy Andal/Butch Quejada)
- Latest
- Trending