MANILA, Philippines - Isinusuka ng ilang senador ang report na ipinalabas ni Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon sa resulta ng imbes tigasyon nito sa anomalya sa naudlot na national broadband network project ng pamahalaan at ng ZTE Corp. ng China.
Idinahilan nila na isinama ni Gordon sa pinadedemanda ang dalawang pangunahing testigo sa kaso na sina Jun Lozada at Joey de Venecia III.
Sinabi ni Senador Jose “Jinggoy” Estrada na hindi siya pipirma sa committee report kung hindi tatanggalin dito ni Gordon ang pangalan nina Lozada at de Venecia III na naunang nagbunyag sa anomalya sa NBN.
Hindi naman kinuwestiyon ni Estrada ang rekomendasyon ng komite na ka suhan ang mag-asawang Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at First Gentleman Mike Arroyo.
Sinabi ni Estrada na hindi dapat isinasama sa mga pinakakasuhan ang mga testigo dahil posibleng maging daan pa ito upang manahimik na lamang ang mga may gustong magbunyag sa katiwalian sa gobyerno.
Sinabi ni Senate Minority leader Aquilino Pimentel Jr. na mabuti naman at nailabas na kamakalawa ng gabi ng komite ni Gordon ang report pero hindi naman aniya dapat isinama ang mga whistle blowers.
Halos ganito rin ang sinabi ni Lacson na kahit siya ay miyembro ng komite ay hindi siya sang-ayon sa kabuuan ng rekomendasyon ni Gordon.
Ayon naman kay Sen. Francis Escudero, maituturing na “heroic act” ang ginawa nina Lozada at de Venecia III kaya dapat tanggalin ang kanilang pangalan sa inirekomendang kakasuhan.
Samantala, nakahanda ang Malacañang sa anumang balak na patalsikin at kasuhan ng impeachment si Pangulong Arroyo kaugnay sa inilabas na committee report ng Senado sa NBN-ZTE deal.
Ayon ay Deputy Presidential Spokesperson Lorelei Fajardo, maraming beses nang tinangkang kasuhan ng impeachment si Pangulong Arroyo pero hindi ito nagtatagumpay dahil puro “tsismis” lamang ang mga akusasyon laban sa Pangulo.
Sinabi naman ni Atty. Ruy Rondain, lawyer ni FG Arroyo, ang Ombudsman pa rin naman ang mananaig kung dapat sampahan ng kaso ang mga personalidad na tinukoy sa committee report.
Nakasaad sa report na dapat ma-impeach si Mrs. Arroyo dahil sa pagkabigo nitong gampanan ang kanyang tungkulin sa ilalim ng Konstitusyon sa NBN-ZTE deal.
Pinakakasuhan din ng report sina dating NEDA chief Romulo Neri, dating Comelec chairman Benjamin Abalos, dating House Speaker Jose de Venecia, DOTC Sec. Leandro Men doza, Deputy Executive Secretary Manuel Gaite, Asst. Secretaries Elmer Soneja at Lorenzo Formoso III, at DENR Sec. Lito Atienza.