Karanasan sa ekonomiya kailangan ng susunod na pangulo
MANILA, Philippines - Umapela ang alyansa laban sa kahirapan at gutom sa nagnanais maging pangulo ng bansa na kailangang meron silang kapasidad sa pagpapatakbo at makakapagpa-angat sa ekonomiya ng bansa.
Sinabi ni Crispin Soriano Jr., pangulo ng Kilusan Sagip Pinoy, na ang susunod na pangulo ng bansa ay dapat may karanasan sa pagpapatakbo ng ekonomiya at magawang mapatakbo ang mga programang pang-ekonomiya upang masagip at malutas ang kasalatan sa bansa.
Unang inilatag ng grupo ang kanilang pamantayan sa pagpili ng bago nilang kandidato sa 2010 habang nanawagan sila para sa totoong lider na lumabas at lumahok sa mga pulitiko na nakapag-deklara na ng kanilang intensiyon sa pagtakbo sa pampa-panguluhan subalit bigo silang maabot ang kanilang pamantayan.
Ilan sa kanilang pamantayan ang magandang rekord sa serbisyong pampubliko, tapat laban sa ‘dikta’ mula sa mga mayayaman at makapangyarihan, May sinseridad sa paglaban sa katiwalian, may kapasidad at tapang na haharap ang hamon sa pagiging makataong pangulo ng bansa.
Aniya, nang tanggihan ng Senado na mapanumbalik ang pananatili ng United States naval base sa Subic, ang lokal na ekonomiya ay bumagsak subalit ang maayos na pagpaplano ng ekonomiya ang naging daan dito na maging Freeport upang mapagkalooban ng trabaho ang may 90,000 manggagawa sa naturang lugar at napasigla ang ekonomiya sa mga kalapit nitong lugar. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending