MANILA, Philippines - Tiniyak ni Senador Manny Villar na pagtutuunan niya ng malaking pansin ang mga magsasaka upang lumago ang produksiyon ng palay sa Pilipinas nang hindi na umaasa sa pag-angkat ng bigas sa ibang bansa at masiguro ang seguridad sa pagkain ng mga Pilipino.
Ang pahayag ay ginawa ni Villar kasabay ng pagbati sa mga nasa likod ng International Rice Research Institute sa Los Baños, Laguna at Philippine Rice Research Institute sa pagkakatuklas ng mga bagong binhi ng palay na kayang tumagal sa baha.
Kabilang sa mga bagong rice hybrids ang “sub1” o submarine rice na kayang mabuhay nang nakababad sa baha nang ilang linggo at “aerobic rice” na kayang itanim sa mga mabundok na lugar at hindi kailangan ng matinding patubig.
Sinabi ni Villar na nakalulungkot isipin na sa Pilipinas ginagawa ang pagtuklas sa mga mahuhusay na bagong binhi ng palay ngunit maraming Pilipino pa rin ang nagugutom dahil sa kawalan ng kakayahang bumili ng murang bigas.
Batay sa ipinalabas na Third Quarter 2009 survey ng Social Weather Survey, lumitaw na 41% ng pamilyang Pilipino o tinatayang 7.5 milyong tao ang ikinukonsidera ang sarili nila na salat sa pagkain habang 35% ang nasa Food-Borderline at 24% naman ang nakakain ng sapat.
Iginiit ni Villar na mahalagang masuportahan ng su sunod na administrasyon ang mga lokal na magsasaka sa paggamit ng mga bagong binhi ng palay upang palakihin ang produksyon ng palay.
Isa sa mga isinusulong ni Villar ang pagkakaloob ng pamahalaan ng financial assistance at credit line facility sa mga magsasaka upang mapagaan ang kanilang gastusin sa pagtatanim lalo na sa sobrang mahal ng presyo ng mga abono. (Butch Quejada)