Hillary bibisita sa Pinas
MANILA, Philippines - Darating sa Pilipinas si US Secretary of State Hillary Clinton para sa dalawang araw na pagbisita sa Nobyembre 12-13, 2009.
Dadaan muna sa Pilipinas si Clinton bago ito magtungo sa Singapore upang dumalo sa Asia Pacific Economic Cooperation Leaders’ Summit.
Habang nasa Pilipinas, nakatakdang mag-courtesy call si Clinton kay Pangulong Arroyo at makikipagpulong sa kanyang Philippine counterpart na si Foreign Affairs Secretary Alberto Romulo.
Ayon kay Press Secretary Cerge Remonde, kasama sa pag-uusapan ng Pangulo at ni Clinton ang maayos na turnover ng kapangyarihan at malinis na halalan sa 2010.
Ipinagmalaki pa ni Remonde na ang gagawing pagtungo sa bansa ni Clinton ay nagpapakita lamang na maganda ang samahan ng Pilipinas at Amerika.
Unang bumisita sa bansa si Clinton noong ito ay First Lady pa ng Amerika. Naging magka-klase sa Georgetown University sa Amerika si Pangulong Arroyo at dating US President Bill Clinton. (Malou Escudero/Ellen Fernando)
- Latest
- Trending