Pulitika sa Biliran umiinit
MANILA, Philippines - Pinag-aaralan na umano ngayon ng Commission on Elections ang posibilidad na isailalim sa kanilang kontrol ang lalawigan ng Biliran kung magpapatuloy ang mainit na palitan ng akusasyon sa pagitan nina Biliran Rep. Glen Chong at Biliran Gov. Rogelio Espina.
Ayon kay Comelec Region 8 acting regional director Atty. Jose Mendros, mahigpit nilang inoobserbahan ang sitwasyon ng pulitika sa lalawigan upang mabatid kung kakailanganin pa nga na ilagay ito sa kanilang kontrol.
Sinabi ng Comelec official na habang papalapit ang halalan ay lalong umiinit ang sitwasyon ng pulitika sa lugar.
Aniya, nakakatanggap na rin sila ng mga reklamo na mayroong pulitikong kumuha na umano ng mga goons sa Samar at may pulitikong nagtatago ng maraming armas na posibleng gamitin ngayong eleksyon.
Naging mas mainit pa umano ang sitwasyon ng pulitika sa Biliran matapos na ihayag ni Espina na tatakbo itong kongresista at kakalabanin si Chong at iniulat din na tatakbo umanong gobernador sa nasabing probinsya ang tatay ng kongresista.
Alinsunod sa Republic 7166 (Omnibus Election Code), ang Comelec ay may awtorisasyon na isailalim sa kontrol nito ang mga lugar na mayroong “intense” political rivalry sa pagitan ng mga kandidato, political factions o partido. (Mer Layson)
- Latest
- Trending