GMA bilang bise, minaliit ng mga senador
MANILA, Philippines - Minaliit lamang ng ilang senador ang ulat na posibleng tumakbong vice president si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ka-tandem ni Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro kung saan posibleng makakalaban niya sa pagka-bise presidente sina Sen. Mar Roxas at Sen. Loren Legarda.
Ayon kay Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr., formula ng ‘disaster’ o kapahamakan ang gagawing pagtakbo ni Arroyo bilang bise presidente sa eleksiyon sa susunod na tao.
Ayon naman kay Roxas, tiyak na mapapahaba pa ang honeymoon nila ng asawang si Korina Sanchez kung totohanin ni Arroyo ang pagtakbong bise presidente dahil mas magiging madali ang la banan.
Ayon pa kay Roxas, walang dapat katakutan sa pagkandidato ni Arroyo dahil hindi naman ito matuwid at sumisimbolo sa kabaluktutan.
Duda naman si Senator Francis “Kiko” Pangilinan kung totoong tatakbong vice president si Arroyo dahil negatibo ang ratings nito.
Sinabi naman ni Senator Francis Escudero na isang kalabisan at maliwanag na pagkagahaman sa kapangyarihan sakaling tototohanin ni Arroyo ang ulat na tatakbo siyang vice president.
Pero, ayon sa election lawyer ni Gng. Arroyo na si Atty. Romulo Macalintal, walang ligal na balakid para kay Pangulong kung sakaling magdesisyon itong tumakbong kongresista o bise-presidente dahil ang nakalagay sa Saligang Batas ay hindi lamang siya puwede muling tumakbong presidente. (Malou Escudero at Rudy Andal)
- Latest
- Trending