MANILA, Philippines - Inireklamo kamakailan si Atty. Bonifacio A. Alentajan sa Integrated Bar of the Philippines dahil sa umano’y pagpalsipika ng pampublikong dokumento para sa kanyang kliyenteng si Siu Ting Alpha Kwok na nahulihan ng P200 milyong halaga ng mga diyamante at ibang mamahaling bato sa Quezon City.
Tumanggi ang IBP na magsalita hinggil sa reklamo laban kay Alentajan sa pagsasabing confidential ang impormasyong ito.
Nabatid na ang reklamo ay inihain ni Presidential Anti-Smuggling Group Director for Administration and Finance and Chief of Staff Jeffrey Patawaran.
Hindi makumpirma kay Patawaran ang ulat pero sinasabi ng ilang impormante sa PASG na nagkaroon ng gusot sa ilang tauhan ng Malacañang at si Alentajan dahil sa ilang pahayag nito na sumisira sa reputasyon ng ahensya.
Nauna rito, kinasuhan nina PASG Undersecretary Antonio Villar at ng ibang opisyal nito si Alentajan ng libel dahil sa pahayag nito na iligal ang pagkakaaresto kay Kwok at humihingi ng mil yun-milyong piso ang mga emisaryo ng PASG kapalit ng kalayaan ng kliyente nito.
Inihabla rin ni Patawaran sina Alentajan, Kwok at isang Agcaoili ng falsification of public document dahil sa umano’y pagplantsa ng mga ito ng petition for bail ni Kwok sa Bureau of Immigration. (Butch Quejada)