MANILA, Philippines - Kasalukuyang pinag-aaralan ng mga lider ng makaadministrasyong partidong Lakas-Kampi-CMD ang posibilidad na ikandidato nilang bise presidente sa halalan sa susunod na taon si Pangulong Gloria Arroyo.
Ito ang ipinahiwatig ni Lakas-Kampi-CMD senior deputy secretary general Danilo Suarez na nagsabing ang pagkandidatong bise presidente ang isa sa pinag-aaralan nilang puwedeng gawin ni Gng. Arroyo sa pagbaba nito sa puwesto sa Malacañang sa 2010.
Sinabi ni Suarez sa isang television interview na, sa isang pulong kamakailan ng mga lider ng partido, pinag-usapan nila kung kakandidatong kongresista sa ikalawang dis trito ng Pampanga si Gng. Arroyo o maging running mate ito ni Defense Secretary Gilbert Teodoro na siya namang standard bearer nila sa halalang pampanguluhan.
“Pinag-usapan namin ang posibilidad na, kung magiging miyembro siya ng House, siya ang puwedeng maging mahusay na Speaker kapag nahalal siyang congresswoman at nahalal din bilang Speaker,” sabi ni Suarez sa Serye forum sa Quezon City.
“Ang pinakamaganda niyan, kapag nakumbinsi siyang kumandidatong bise,” sabi pa ni Suarez na isang kongresista mula Quezon. “Tignan natin dito, meron kang bise presidente na may karanasan at ka libreng tulad ni Arroyo. Magiging asset siya ng sino mang magiging presidente.”
Kinontra naman ito ni Bayan Muna Rep. Neri Colmanares na nagsabi naman na imposible ang iniisip ni Suarez dahil, ayon sa Konstitusyon, hindi na eligible sa re-election ang presidente.
“Pag vice president siya at nanalo yung dalawa at mag-resign o mamatay yung presidente babalik na naman si Arroyo, siya na naman yung ating presidente,” sabi pa ni Colmanares.
Una nang sinabi ng election lawyer na si Romulo Macalintal na maaaring tumakbo si Pangulong Arroyo sa kahit na anong posiyon sa gobyerno basta’t mababa ito sa pagka-pangulo.
Sinabi pa ng abogado na ang ipinagbabawal lamang naman ng batas ay ang re-election para sa mga naging Pangulo na ng bansa.