MANILA, Philippines - Kung si dating Bureau of Internal Revenue Commissioner Sixto Esquivas Jr. ay nagbitiw sa kanyang tungkulin dahil kapos ng P30-bilyon ng koleksyon ang BIR, dapat na rin uma nong mag-resign si Bureau of Customs (BOC) Commissioner Napoleon Morales dahil umaabot na sa mahigit sa P200-bilyon ang shortfall ng koleksyon ng BOC ngayong taon.
Sa isang media forum sa Maynila, inihayag ni Agricultural Sector Alliance (AGAP) party-list Rep. Nicanor Briones na bigo rin si Morales na masugpo ang nagaganap na smuggling sa bansa, partikular na sa iba’t-ibang produktong pang-agrikultura kaya marapat lamang na bitiwan na nito ang kanyang puwesto.
Anang mambabatas, umiiyak na ang mga magsasaka, magbababoy at magmamanok dahil sa patuloy na smuggling ng mga imported na sibuyas, carrots, patatas at karne na nagkalat ngayon sa ibat-ibang pamilihan partikular na sa Divisoria.
Kung dati-rati anya ay sa mga probinsiya at lalawigan nanggagaling ang ibat-ibang produktong pang-agrikultura, ngayon ay sa mga bodega sa Metro Manila nanggagaling patungo ng mga probinsiya.
Ngayon umano ang panahon na dapat na higit na tulungan ng gobyerno, partikular na ang BOC, ang mga magsasaka dahil nangasira ang maraming pananim na gulay, palay at nangamatay ang kanilang mga alagang hayop dahil sa sunod-sunod na bagyo. (Butch Quejada)