Tinatamaan ng Alzheimer's dumarami
MANILA, Philippines - Dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng Alzheimer’s Disease, isang panukalang batas ang isinusulong sa Senado na naglalayong magkaroon ng Alzheimer’s Disease Research Center sa bansa para makatulong sa mga taong nagkakaroon ng nasabing karamdaman.
Sa Senate Bill 3473, nakasaad na tinatayang nasa 758.7 milyon ang mga matatanda sa mundo o iyong may edad na 60 pataas.
Sa pag-aaral ng Alzheimer’s Disease International sa nabanggit na bi lang, may 35.6 milyon katao ang magkakaroon ng Dementia pagdating ng 2010 at inaasahang dodoble sa loob ng 20 taon.
Sa South East Asia lamang na nasa 51.2 milyon ang matatanda, limang porsiyento sa nasabing bilang ang may Dementia at dodoble pa ito sa loob ng 20 taon.
Ang Alzheimer’s disease ay isang disorder kung saan nasisira ang mga cells ng utak. Ito rin ang pangunahing sanhi ng Dementia, isang kondisyon kung saan unti-unting nawawala ang memorya ng isang tao. Apektado rin ang iba pang sistema ng katawan ng isang taong may Alzheimer’s.
Sa ngayon ay wala pang lunas na natutuklasan para mapigilan ang nasabing karamdaman. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending