'Walang form, walang rehistro'- Comelec
MANILA, Philippines - Nilinaw kahapon ng Commission on Elections na hindi extension ng voters’ registration ang isasagawa ngayon dahil tapos na ang October 31 deadline para sa pagpapatala ng mga bagong botante.
Ayon kay Comelec spokesman James Jimenez, pumayag lamang ang komisyon na ipagpatuloy ang rehistrasyon ngayong Martes para tapusin lamang ang nasimulan ng proseso na naapektuhan ng brownout at bagyong Santi noong Sabado.
Iginiit ni Jimenez tatanggapin lamang ng Comelec ang mga registrants na una ng nabigyan ng mga forms para matapos ang kanilang pagpapatala.
Sa latest figure na hawak ni Jimenez, uma abot na sa 2.4 milyon ang mga new registrants habang inaasahan nila na aakyat pa ito sa tatlong milyon pagkatapos ng gagawing hearing ng kanilang election registration board.
Pinaalala naman ng opisyal na sa November 20 na ang simula ng paghahain ng certificate of candidacy para sa mga nais tumakbo sa 2010 elections kung saan magtatapos naman ito sa November 30.
Sa Pebrero 9, 2010 na man ang simula ng pangangampaniya para sa national position habang sa Marso 26, 2010 ang takdang petsa ng simula ng kampaniya para sa local na posisyon. (Doris M. Franche)
- Latest
- Trending