MANILA, Philippines - Hiniling ng ilang residente ng Guimaras, Iloilo kay Ombudsman Merceditas Guttierez na suspindihin at magsagawa ng “lifestyle check” laban kay District Engineer Teodoro Castillo dahil sa alegasyon ng “graft at improper conduct of a public official”.
Sinabi ng mga residente na iligal umanong nakaka kuha si Castillo ng mga ari-arian tulad ng bahay at mga lote at mga bagong sasakyan na anila ay hindi naman kayang mabili nito kung pagbabasehan lamang ang kanyang sinasahod sa pamahalaan.
Hindi umano ito ang unang pagkakataon na nasampahan ng kaso si Castillo. Sa background na isinumite rin ng grupo, sinampahan na rin ng abogadong si Plaridel Nava ang inhinyero ng kasong “graft” noong Oktubre 13 sa opisina rin ng Ombudsman.
Sa reklamo ni Nava, lumabag umano si Castillo sa Republic Act 6713 kung saan nakasaad na dapat isagawa ng isang opisyal o empleyado ng pamahalaan ang kanilang tungkulin sa pinakamataas na propesyunalismo.
Sa isinumiteng testimonya nina Miguel Enano III at Ulysses Umali, kapwa residente ng Brgy. New Poblacion, Buenavista, Guimaras, nakita nila si Castillo na umano’y nagsasabong at umiinom pa ng alak noong Oktubre 2, 2009 kahit na may pasok ang mga empleyado ng pamahalaan. (Butch Quejada)