MANILA, Philippines - Sinampahan ng kasong administratibo sa Office of the Ombudsman ang bise-alkalde ng bayan ng Dipaculao sa lalawigan ng Aurora dahil sa pagkakasangkot umano sa operasyon ng illegal logging.
Sa dalawang pahinang reklamo na isinumite ng mga residente ng bayan base sa affidavit ni Roderick Tangalin, inakusahan nila si Vice Mayor Narciso Amansec na sangkot sa illegal logging mula pa noong 2007.
Nabatid na si Amansec umano ang may-ari ng 10,380 board feet ng troso na may halagang P2.4 milyon na nasakote ng mga operatiba ng Depaculao police station noong Nob. 13, 2007.
Sinampahan si Amansec kasama pa ang ilang pribadong indibidwal ng kaso sa Provincial Prosecutors Office ng Aurora noong Agosto 11, 2008 sa paglabag sa Presidential Decree no. 705 o ang “Revised Forestry Code”.
Naaresto si Amansec sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Armando Yanga ng Branch 66 ng Aurora Regional Trial Court at kasalukuyang nakaditine sa Aurora Provincial Jail.
Pinatatanggal rin ng mga nagrereklamo sa kanyang posisyon si Amansec at pinagbabawalan na umupo sa iba pang puwesto sa pamahalaan. Iginiit ng mga nagpetisyon na isa umanong “grave misconduct” ang illegal logging na may elemento ng korapsyon at paglabag sa batas at sa serbisyo publiko. (Butch Quejada)