MANILA, Philippines - Patuloy na nagbabanta ang bagyong Santi habang tinutumbok ang lalawigan ng Quezon.
Kahapon ng alas-5 ng hapon, si Santi ay namataan ng PAGASA sa layong 230 kilometro silangan ng Infanta, Quezon taglay ang lakas ng hanging 150 kilometro malapit sa gitna at may pagbugso hanggang 185 kilometro bawat oras.
Bunsod nito, nakataas ang signal no. 3 sa 14 lalawigan kasama ang Metro Manila gayundin sa Polillo island, Bulacan, Bataan, Rizal, Cavite, Laguna, Batangas, Oriental Mindoro, Lubang Island, Marinduque, Camarines Norte, Camarines Sur at Catanduanes.
Signal no. 2 sa Aurora, Quirino, Nueva Ecija, Tarlac, Pampanga, Zambales, Occidental Mindoro, Albay, Burias Island at signal no. 1 sa Isabela, Ifugao, Nueva Vizcaya, Benguet, La Union, Pangasinan, Sorsogon, Masbate, Romblon at Calamian Group.
Pinapayuhan ng PAGASA ang mga residenteng nakatira sa mga nabanggit na lugar na mag-ingat at ugaliing mapagmasid sa paligid dahil sa banta ng flashfloods at landslides.
Ngayong Sabado, si Santi ay inaasahang nasa layong 70 kilometro kanluran hilagang kanluran ng Metro Manila at sa Linggo ng umaga ay inaasahang nasa layong 600 kilometro ng kanluran ng Metro Manila. (Angie dela Cruz)