5 Pinoy nang-'Ativan' sa China
MANILA, Philippines - Limang Pinoy na hinihinalang miyembro ng “Ativan gang” ang nahaharap sa ilang taong pagkakakulong dahil sa pambibiktima ng ilang katao sa Shanghai, China.
Isinalang ang limang Pinoy na nagkaka-edad 26-30 sa Shanghai court matapos na sampahan ng kaso dahil sa pagdo-droga at pagnanakaw sa kanilang mga nabiktima. Sila ay nag-plead guilty sa kanilang kaso at humingi ng tawad sa Chinese government at sa kanilang mga nabiktima.
Gaya ng ginagawa ng mga Ativan gang sa Pilipinas, pinaiinom at pinakakain muna ang kanilang mga biktimang Tsino na ka nilang kinakaibigan sa isang nightspot sa Shanghai.
Sa salaysay ng mga biktima, nakadamit pambabae ang mga Pinoy at kapag sumama na sa taxi o kaya sa hotel ay inaalukan sila ng tsokolate at ibang pagkain na may halong droga na pampatulog saka kinukuha ang mahahalagang gamit ng mga biktima tulad ng cellphone, credit cards, at mamamahaling Rolex watch.
Umaabot sa 340,000 yuan o $49,780 ang natangay ng nasabing gang sa huli nilang biktima.
Huling nakapambiktima ang limang suspek noong Pebrero, 2009 at naaresto sila noong Marso. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending