C. Luzon tutumbukin ni Santi, MM dadaanan
MANILA, Philippines - Nananatili ang lakas ng bagyong Santi habang patuloy ang pagkilos patungo sa Central Luzon.
Kahapon, si Santi ay namataan ng PAGASA sa layong 890 kilometro silangan ng Casiguran, Aurora taglay ang lakas ng hanging 150 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso hanggang 185 kilometro bawat oras.
Bunsod nito, nakataas ang signal no. 2 sa Polillo Island at signal no. 1 sa Isabela, Ifugao, Aurora, Quirino, Nueva Viscaya, Nueva Ecija, Bulacan, Rizal, Quezon Camarines Norte, Camarines Sur at Catanduanes. Kaugnay nito, binalaan ni PAGASA Director Prisco Nilo ang mga taga Metro Manila na maghanda dahil posibleng maapektuhan ang kalakhang Maynila ng bagyong Santi.
“At this point mga 30 percent probability dadaan or very close over Metro Manila ... Puwedeng dadaan ang bagyo malapit sa Metro Manila, nariyan ang possibility na yan. Ang sa Metro Manila, kailangan maghanda tayo kung sakaling ang bagyo dumaan nang malapit,” pahayag ni Nilo.
Tiniyak ni Nilo na maglalandfall si Santi ngayong Biyernes ng gabi at dadaan ng Metro Manila. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending