Kurakot kalaboso kay Erap
MANILA, Philippines - Siniguro kahapon ni dating Presidente Joseph Estrada na mabubulok sa bilangguan ang mga tiwaling opisyal ng pamahalaan kapag siya’y nanalong pangulo ng bansa sa ikalawang pagkakataon sa 2010.
“Nobody is above the law,” diin pa ni Erap na espesyal na panauhin ng National Press Club (NPC) kahapon sa ‘No Holds Barred’ news forum bilang bahagi ng pagdiriwang ng samahan sa ika-57 taong anibersaryo nito.
Sinabi ni Estrada na titiyakin naman niyang masusunod ang proseso ng batas at hindi siya gagawa ng ‘special court’ para lang litisin ang mga tiwali at magnanakaw na opisyal ng administrasyong Arroyo, katulad ng ginawa sa kanya ng gobyerno matapos siyang patalsikin sa puwesto noong 2001.
Bagaman anim na taon ang kanyang termino, sapilitang inalis si Erap bilang pangulo noong Enero 2001 at ikinulong sa kasong plunder.
Isang ‘special court’ ang ginawa ng gobyernong Arroyo na naghatol kay Erap ng ‘guilty’ noong Setyembre 2007 subalit ginawaran naman siya ng ‘complete pardon’ ni Pang. Arroyo makalipas ang isang buwan.
Diin ni Erap, kasamang naibalik sa pardon ang kanyang lahat ng karapatan kabilang na rito ang muling mahalal sa anumang po sisyon sa gobyerno.
Aniya pa, sapul ng siya ay makulong, lalong tumindi ang katiwalian at nakawan sa loob ng gobyerno na naglagay sa bansa sa kahihiyan bilang ‘most corrupt country in Asia’ at ‘second most corrupt country in the world’ batay sa ulat ng Transparency International at World Bank.
Ilan sa mababantot na anomalya sa gobyernong Arroyo na sisilipin ni Erap ay ang $450 milyon IMPSA deal, $329 milyon, NBN-ZTE scandal, ang multi-bilyong kontrata sa Macapagal Boulevard, ang P728 milyon fertilizer scam, patuloy na pamamayagpag ng jueteng at ang mga anomalya sa loob ng Government Service Insurance System.
Aniya, itutuloy rin niya ang legalisasyon ng jueteng sa kabila ng banta ng mga Katolikong Obispo na hindi siya susuportahan sakaling ipilit niya ang bagay na ito.
Aniya, kung natuloy ang kanyang balak na gawing ligal ang jueteng noon, kikita ang gobyerno dito ng may P5 bilyon bawat taon na magagamit sana para tustusan ang panganga ilagan ng mga mahihirap sa edukasyon at ospital. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending