Pinay patay sa Taliban attack!
MANILA, Philippines - Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs na kabilang ang isang Pinay sa limang personnel ng United Nations ang nasawi sa naganap na terrorist attack sa Kabul, Afghanistan kamakalawa.
Sa ulat na natanggap ng DFA, ang biktimang si Jossie G. Esto, 40, isang Electoral Outreach and Training Coordinator na nasa ilalim ng UN Volunteers Program ay namatay matapos na sumalakay ang mga Taliban sa Bekhar Guest House sa Shar-e-now District, Kabul na siyang tinutuluyan ng UN personnel at iba pang mga dayuhang volunteers. Ang mga Taliban din ang responsable sa pag-atake sa iba pang UN Staff.
Si Esto, may-asawa, dating guro at civic education officer sa Pilipinas bago naging volunteer ng UN sa Liberia, Timor-Liste at Nepal ay nagtungo sa Afghanistan noong 2008 at kasama sa mga UN volunteers na nagtatrabaho sa UN Development Program/Enhancing Legal and Electoral Capacity for Tomorrow (UNDP-ELECT) Project na sumusuporta sa international community sa eleksyon sa Afghanistan.
Si Esto ay ika-apat na Filipino UN staff member na napatay sa pag-atake ng mga terorista kung saan noong 2003 nasawi sa isang suicide bombing sa Iraq si Ranillo Buenaventura, at noong 2009 ay napatay sa pambobomba si Gene Luna, miyembro ng World Food Program sa UN office sa Algiers, Algeria.
Kinondena ng pamahalaan ang naturang pambobomba habang nakiramay naman si Foreign Affairs Sec. Alberto Romulo sa pamilya Esto.
- Latest
- Trending