MANILA, Philippines - Tuluyang tumiklop na ang mga kumpanya ng langis kabilang na ang dambuhalang ‘‘Big 3’’ sa Executive Order 839 makaraang mapuwersang ibalik ang kanilang presyo ng produktong petrolyo sa dating halaga nito noong Oktubre 15.
Kahapon ay pare-parehong nagbaba ng P1.25 kada litro sa halaga ng premium at unleaded na gasolina, P.85 sa regular na gasoline, P2 sa diesel at P1.50 sa kerosene ang Shell, Chevron at Petron.
Una ng nagpatupad ng price reduction ang Unioil, Flying V at SeaOil.
Sa kabila nito, umakyat naman ng higit sa P1 kada litro ang mga produktong petrolyo sa Visayas partikular na sa Cebu makaraan ang price reduction sa buong Luzon.
Ikinatwiran dito ni Shell vice-president for communications Roberto Kanapi na hindi naman sakop ng EO839 ang Visayas at Mindanao kaya malaya silang magpagalaw ng kanilang presyo sa naturang mga rehiyon. Tanging sa Luzon lamang umano epektibo ang kautusan na pinakamatinding tinamaan ng magkasunod na kalamidad.
Nangako si Kanapi na tatagal ang presyo sa Luzon hanggang umiiral ang “state of calamity” ngunit nagpahayag ito ng pangamba na maaaring magkaroon naman ng problema sa suplay ng langis kung magtatagal ito dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo sa internasyunal na merkado.
Samantala, naniniwala si Press Sec. Cerge Remonde na hindi tototohanin ng mga oil companies ang ban-ta nilang hindi pagbebenta ng produktong petrolyo. Anya, short-term response lamang ito ng Pangulo at hindi naman pang-matagalan kundi para matulungan lamang ang mamamayan sa gitna ng kalamidad. (Danilo Garcia/Rudy Andal)