Disqualification vs Erap ibinasura ng Comelec
MANILA, Philippines - Dagliang ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) ang inihaing motion for disqualification ni Atty. Oliver Lozano laban kay dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada bunsod nang pagiging premature nito.
Ipinaliwanag ni Comelec Chairman Jose Melo na hindi pa naman nakakapaghain ng kandidatura o certificate of candidacy (COC) si Estrada kaya’t wala pa aniyang dahilan para maghain ng disqualification case laban dito.
Kasabay nito, nanawagan naman si Melo sa mga nagpaplano na maghain ng disqualification case sa dating pangulong Estrada na pagsama-samahin na lamang ang kanilang mga mosyon upang isang beses na lamang sila magsasagawa ng mga pagdinig at isa na lang ang kanilang dedesisyunan.
Noong Lunes ay naghain si Lozano ng mos yon sa Comelec kasunod nang pagdedeklara ni Estrada ng intensyong tumakbo sa 2010 presidential elections.
Hiniling ni Lozano sa Comelec na pagkahain pa lang ni Estrada sa poll body ng COC sa Nobyembre ay hindi na ito dapat payagan ng komisyon dahil sa mga aspetong legal. (Mer Layson)
- Latest
- Trending