MANILA, Philippines - Sinimulan nang litisin ang kaso ng dalawang Pilipinang domestic helpers na unang nasagip sa isang casa kasama ang tatlo pang babaeng Indonesian makaraang tangayin at gawing sex slave ng dala wang Bangladeshi national sa United Arab Emirates, iniulat kahapon.
Pormal nang kinasuhan sa Court of First Instance sa UAE ng dalawang overseas Filipino workers na itinago sa mga pangalang Jean at Joy ng kidnapping, illegal confinement, rape at attempted human trafficking ang dalawang ‘di pinangalanang Bangladeshi.
Sinabi ng mga biktima na, habang naglalakad sila kasama ang isang babaeng Indonesian sa Bani Yas sa Abu Dhabi, bigla na lamang silang hintuan at harangin ng isang sasakyan at bumaba ang tatlong kalalakihan noong Abril 5 dakong alas-10 ng umaga. Mabilis silang hinila papasok sa sasakyan at pinagbantaan na huwag sisigaw at lilingon sa bintana at mag-iingay.
Habang umaandar ang sasakyan, isa sa mga Bangladeshi ang nagpahayag na dadalhin at ipapasok sila upang magtrabaho sa isang shopping store o kaya sa hospital.
Dinala sila sa isang apartment sa Naif area at ikinulong ng ilang araw hanggang sa pagsamantalahan ng dalawang dayuhan. Tinangka din silang isadlak sa isang prostitution den.
“Nakita ko ang tatlong Indonesian sa loob ng isang kuwarto sa apartment. Pagkatapos nilang kunin ang aking phone SIM card ay saka ikinandado ang aming kuwarto,” ayon sa testimonya ni Jean.
Dalawang araw matapos na makulong sa kuwarto, tinangka pang gahasain ng dalawang Bangladeshi si Jean subalit nakakuha siya ng kutsilyo kaya hindi natuloy ang masamang balak ng mga dayuhan.
Gayunman, minalas na nagahasa si Joy matapos na sakalin siya ng Bangla deshi nang tinangka nitong tumanggi at manlaban.
Matapos ang masamang sinapit, sa pamamagitan ng cellphone ng isang bihag na Indonesian ay nakakuha ng pagkakataon si Joy na makatawag sa kanyang kapatid sa Saudi Arabia na siya namang humingi ng tulong sa pulisya. (Ellen Fernando)