Dacer-Corbito murder: Ping humarap sa DOJ probers
MANILA, Philippines - Sa kauna-unahang pagkakataon, humarap na si Senador Panfilo “Ping” Lacson sa Department of Justice na nagsasagawa ng preliminary investigation sa Dacer-Corbito double murder case.
Sa counter-affidavit na isinumite niya sa DOJ, mariin niyang pinabulaanan ang mga akusasyon sa kanya kaugnay sa pagdukot at pagpatay sa publicist na si Salvador “Bubby” Dacer at driver nito na si Emmanuel Corbito noong November 2000.
Iginiit ni Lacson na walang basehan at pawang hearsay lamang ang ginamit na batayn ng magkakapatid na Dacer ng sampahan siya ng kaso sa DOJ kung saan ginamit nitong batayan ang testimonya ni dating Police Sr. Supt. Cesar Mancao na nagsasangkot sa kanya sa kaso.
Nilinaw din ng senador na walang katotohanan ang sinasabi ni Mancao hinggil sa isang insidente kung saan nasa loob umano sila ng kotse at inutusan niya si dating Police Col. Michael Ray Aquino na patayin si Dacer salig na umanoy inaprubahan ng dating Pangulong Joseph Estrada.
Ayon kay Lacson imposible itong mangyari dahil ng panahon na iyon ay na sa ibang bansa din siya kasama ang dating Pangulo at iba pang delegado nito para dumalo sa isang pagtitipon.
Hiniling din ni Lacson sa DOJ na ipatawag si Senador Mar Roxas upang tumestigo.
Sinabi ni Lacson na ng mga panahon na iyon ay magkasama sila ni Roxas sa delegasyon na isinama ni dating pangulong Estrada para dumalo ng isang pagpupulong sa ibang bansa.
Bukod kay Roxas kabilang din sa mga hiniling ni Lacson na ipatawag ng DOJ ay ang mga mamamahayag na sina Maki Pulido at Ted Failon kaugnay ng ginawa nilang interview kay Mancao noong nasa Estados Unidos ito kung saan sinabi nito na pine-pressure siya ng gobyerno para idawit sa kaso. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending