Kalidad ng edukasyon sa kolehiyo, bumababa

MANILA, Philippines - Nababahala ang Commission on Higher Education (CHED) sa pagbaba umano ng kalidad ng edukasyon na ibinibigay ng maraming mga kolehiyo sa bansa dahil sa napakababang “passing percentage” sa mga pagsusulit ng mga estudyante.

Ito’y matapos na mag-isyu ito ng babala sa may 177 nursing schools sa buong bansa na hindi man lamang nakapagpasa kahit isa nilang graduate sa “nursing licensure exams” sa loob ng nakalipas na limang taon.

Nitong nakaraang Setyembre, may anim namang law colleges ang ipinasara ng CHED dahil sa napakababang porsyento ng passing rate sa ibinibigay na Bar exams.

Inihayag rin ni CHED Chairman Emmanuel Angeles na may 38 maritime schools pa sa bansa ang kanilang isinasailalim sa “monitoring” dahil rin sa napakababang porsyento ng pagpasa ng kanilang mga graduates sa iba’t ibang licensure examinations.

Sinabi ni Angeles na matapos ang pagbibigay ng babala, muli nilang isasailalim sa ebalwasyon ang mga kolehiyo bago gumawa ng aksyon kung ipapasara rin ang mga ito o ipagpapatuloy ang kanilang ibinibigay na kurso. (Danilo Garcia)

Show comments