MANILA, Philippines - Dapat umanong ilagay sa preventive suspension ng Department of Interior and Local Governments ang mga alkalde na sangkot sa tinatawag na “Narco-Politics,” ayon kay Dangerous Drugs Board Chairman Vicente “Tito” Sotto.
Kamakailan lamang, binanggit ni Sotto na mayroon humigit kumulang na 14 alkalde ang kanilang minamanmanan sa buong Pilipinas dahil sa pagkakasangkot sa ipinagbabawal na gamot.
Dalawa anya ay galing sa Metro Manila, dalawa sa Visayas, lima sa Mindanao, at ang natitirang lima ay galing Luzon.
Ayon kay Sotto, may kasunduan na ang DDB at DILG upang masuspinde ang mga alkaldeng sangkot sa illegal na droga.
“Kapag mayroong nangyayaring illegal drug trade sa kanya (mayor), pagkatapos mayroon ka pang matatagpuang clandestine laboratories dun sa area niya, maliwanag na dereliction of duty na yun, kasama sa duty niya yun. May ugnayan na kami ng Department of Interior and Local Government. Una muna magkakaroon ng suspension habang iniimbestigahan siya,” sabi ni Sotto.
Ang naturang listahan ng mga alkaldeng binabanggit ni Sotto ay nasa kamay na ni Pangulong Arroyo.
Matatandaang sa Taguig, pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) upang buwagin ang tinatawag na “Tinga Drug Syndicate”.
Sa kasalukuyan, pito na sa nasabing grupo ang naaresto sa ibat ibang operasyon ng mga awtoridad. Ito ay sila Noel, Joel, Fernando, Allan Carlos, Alberto, Bernardo at Hector Tinga. Lahat ng mga nahuli ay nagsabing kamag-anak daw sila nila Taguig City Mayor Fred die Tinga at former Supreme Court Justice Dante Tinga.
Ang mag-amang Tinga ay malapit na kaalyado ni Pangulong Arroyo.