Ayon sa Palasyo: Puno na-'pressure' kaya umatras
MANILA, Philippines - Inamin kahapon ng Malacañang na naghahanap pa rin sila ng running mate para sa kanilang presidential candidate na si Defense Secretary Gilbert Teodoro matapos umatras na si Department of Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno.
Ayon kay Executive Secretary Eduardo Ermita, presidente ng La kas-Kampi-CMD, maingat at malawak ang kanilang ginagawang proseso sa paghahanap ng vice presidential candidate.
Agad ding nilinaw ni Ermita na nagkaroon ng pressure sa panig ni Puno kaya umatras ito sa kanyang planong maging running mate ni Teodoro.
Kabilang sa mga lumulutang na pangalan na posibleng makatambal ni Teodoro sina Senator Loren Legarda at Batangas Governor Vilma Santos pero nilinaw naman ni dating Senator Ralph Recto na hindi tatakbong bise presidente ang kanyang asawa.
Idinagdag ni Ermita na may mga nagpalutang lamang ng pangalan nina Legarda at Vilma Santos dahil patuloy pa ang paghahanap nila ng running mate ng kanilang standard bearer.
Kamakalawa ng gabi ay nagdeklara na si Legarda na tatakbong vice president pero hindi niya tiniyak kung sino ang kaniyang magiging ka-tandem bagaman at kapartido niya si Senator Francis “Chiz” Escudero na inaasahang magdedeklara namang tatakbong presidente sa susunod na linggo.
Inamin naman ni Recto sa isang panayam na marami ang lumalapit sa kanya kabilang na ang mga taga-Malacañang upang kuning runningmate ni Teodoro ang kanyang asawa.
“Hindi siya (Vilma) interesadong tumakbong vice president at iyan ay paulit-ulit na niyang sinasabi,” ani Recto.
Ipinagmalaki pa ni Recto na hindi lamang pagka-gobernador ng Batangas ang ginagampanan ng kanyang misis dahil isa rin itong ina at artista.
Ipinahiwatig ni Recto na muling tatakbong gobernador ng Batangas si Ate Vi na matatapos pa lamang ang unang termino sa darating na taon.
Mahuhusgahan ng mga taga-Batangas kung pasado sa kanila ang unang termino ni Ate Vi bilang gobernador kung muli itong ibabalik sa kanyang posisyon.
Idinagdag pa ni Recto na kung siya ang tatanungin mas makakabuting kumuha ng taga Visayas si Teodoro bilang kanyang runningmate.
Inirekomenda ni Recto si Cebu Governor Gwen Garci na sigurado umanong makakapagbigay ng solid vote para kay Teodoro.
- Latest
- Trending