Fr. Sinnot patay na?
MANILA, Philippines - Mistulang bulkang sumabog kahapon ang mga balitang namatay na umano ang kinidnap na si Irish priest Fr. Michael Sinnot matapos itong atakehin sa puso habang ipinagpapalipat-lipat ng lugar ng mga kidnappers sa Western Mindanao.
Gayunman, ayon kay Armed Forces of the Philippines-Western Command Chief Lt. Gen. Ben Mohamad Dolorfino, wala pa silang kumpirmasyon sa bagay na ito at kasalukuyan pa nilang bineberipika ang naturang impormasyon. Ituturing nilang tsismis ito hangga’t walang pruweba.
Huling insidente na namataan ng tropa ng pamahalaan si Fr. Sinnot ay noon pang nakalipas na Miyerkules.
Binanggit ni 104th Infantry Brigade Commander Lt. Col. Benito de Leon na nakatanggap rin sila ng nasabing impormasyon pero hangga’t walang nailulutang na bangkay ay hindi nila ito maaring basta na lamang paniwalaan.
Idinagdag pa nito na wala rin silang ‘sightings’ sa dayuhang pari na huling napaulat na duguan ang ulo matapos na saktan ng mga kidnaper ng pumalag ito habang kinakaladkad ng mga armadong bandido.
Si Sinnot ay dinukot ng anim na mga armadong kalalakihan noong Okt.11.
Iginiit naman ni US Ambassador Kristie Kenney na hanggang intelligence gathering lamang ang puwedeng ibigay na tulong ng US forces sa AFP sa pagliligtas kay Sinnot.
Sinabi ni Kenney na sa ilalim ng Visiting Forces Agreement, hindi puwedeng makialam ang US sa anu mang panloob na suliranin lalo sa combat operations. (May ulat ni Rudy Andal)
- Latest
- Trending