'Ramil' made-delay ang landfall

MANILA, Philippines - Maaantala ang pag-landfall ng bagyong Ramil ng isang araw o maaaring hindi na ito manalasa sa bansa at tuluyan nang mag-iba ng direksiyon papuntang Taiwan.

Ito ay batay sa latest monitoring ng PAGASA dahil maaari umanong manghina si Ramil at tuluyan nang kumawala sa bansa.

“At this time lumalaki ang probability na maari siyang lilihis nang bahag­ya at pumunta ng Taiwan,” pahayag ni Pagasa Director Prisco Nilo.

Gayunman, hindi pa rin inaalis ng PAGASA sa scenario nito na maa­aring mag-landfall si Ra­mil sa Cagayan bukas (Bi­yer­nes).

“Dahil inaasahang ba­bagal siya later today or tomorrow, Friday morning inaasahang mag-landfall,” dagdag ni Nilo.

Kaugnay nito, niliwa­nag din ni Nathaniel Cruz, hepe ng weather bureau na hindi naman maapek­tuhan ni Ramil ang Metro Manila pero maaaring makaranas ng mga pag-uulan maging sa Visayas at Mindanao dahil sa epekto ng intertropical convergence zone (ITCZ).

Kahapon, si Ramil ay namataan sa layong 510 kilometro silangan hila­gang silangan ng Aparri, Cagayan taglay ang pinaka malakas na hanging 175 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso hanggang 210 km bawat oras.

Sa Biyernes ay ina­asahang nasa layong 80 km hilagang silangan ng Laoag City at sa Sabado ay inaasahang ito ay nasa la­yong 120 km kanluran hilagang kanluran ng Laoag City.

Bunsod nito, nakataas ang signal no. 3 sa Northern Cagayan, Calayan Islands, Babuyan Islands at Batanes Group of Islands. Signal no. 2 sa Ilocos Norte, Apayao, nalalabing bahagi ng Cagayan, Abra, Kalinga at Isabela at signal no. 1 sa Ilocos Sur, Mt. Province, Ifugao, Ben­guet, La Union, Nueva Viz­caya, Quirino, Aurora, Northern Quezon at Po­lillo Islands. (Angie dela Cruz)

Show comments