MANILA, Philippines - Umapela kahapon si Department of Education Secretary Jesli Lapus sa mga pinuno ng lokal na pamahalaan na huwag nang gawing evacuation centers ang mga pampublikong paaralan tuwing may kalamidad.
Ito’y matapos na makatanggap na ng napakaraming ulat ang DepEd bu hat sa pamilya ng mga mag-aaral na inaabuso sila ng ilang evacuees na nanunuluyan pa sa kanilang paaralan matapos na masalanta ng bag yong Ondoy ang Metro Manila at ng bagyong Pepeng ang Hilaga at Gitnang Luzon.
Kabilang sa mga naiulat na may naganap na nakawang may sangkot na mga evacuees ang ilang paaralan sa Marikina City habang may kahalintulad na insidente rin ng nakawan sa Alabang Elementary School sa Muntinlupa City.
Idiniin rin ni Lapus na nasisira ang natural na daloy ng klase sa mga paaralan dahil sa kinakapos sila ng silid-aralan na inookupahan ng mga evacuees bukod pa sa ingay at iba pang kaguluhan ng ilan sa mga ito.
Pinasalamatan naman ni Lapus ang ilang mga gobernador at alkalde na tumutugon sa kanyang panawagan sa paglilipat sa mga “evacuees” sa mga “covered courts, gymnasiums, at auditoriums”.
Sinusuportahan naman ng DepEd ang panawagan sa pagtatayo na ng mga gusali na gagawing permanenterng evacuation centers dahil sa inaasahan ang pagdaan pa ng marami pang kalamidad sa bansa na natural na daanan ng mga bagyo sa Pasipiko. (Danilo Garcia)