MANILA, Philippines - Umaabot sa P10 milyong halaga ng pondo ang nakatakdang ilabas ng pamahalaang lokal ng Quezon City matapos na aprubahan ng Sangguniang Panglungsod ang ordinansa para sa pagbibigay ng “rice allowance” sa mga regular na empleyado ng pamahalaang lungsod.
Pinangunahan ni Councilor Ariel Inton, majority floor leader, ang pagpapasa ng Ordinance No. 1949-2009 na inaprubahan ng mayorya ng konseho para sa naturang pondo.
Huhugutin ang pondo sa Personnel Services Fund ng 2010 Annual Budget ng pamahalaang lungsod habang ibibigay ang “rice allowance” kada katapusan ng isang quarter ng taon.
Sinabi pa ni Inton na tulad ng mga empleyado sa pribadong sektor, nararapat ring bigyan ng karampatang insentibo ang mga empleyado ng pamahalaan upang makatulong sa nararanasang krisis sa ekonomiya at mga sunud-sunod na kalamidad na inaasahang marami pang tatama sa bansa. (Ricky Tulipat)