MANILA, Philippines - Lagda na lamang ni Pangulong Gloria Macapa-gal-Arroyo ang hinihintay upang ganap nang maging batas ang pinagsamang House Bill 5279 at Senate Bill 3111 na niratipikahan ng bicameral conference committee ng Kongreso.
Sa naturang panukalang-batas, magiging legal na o legitimate ang mga anak ng mga menor-de- edad na magulang.
Ayon kay Valenzuela City Rep. Atty. Magtanggol ‘Magi’ Gunigundo, principal author ng panukala, inamyendahan nila ang isang probisyon ng Family Code na hindi kumikilala sa batang ipinangak ng kanilang mga magulang na wala pang 18-anyos.
Bago ang panukala, ang biological parents na nasa tamang edad at nagdesisyong magpakasal ay kailangang ampunin ang kanilang sariling anak upang maging tunay o legitimate nilang anak.
Sa ilalim ng bagong aprubang batas, mabubura ang dinaranas na diskriminasyon ng mga batang hindi nailalagay sa apelyido ng kanilang mga magulang kumpara sa ibang bata na awtomatikong nagiging kaapelyido pagkasilang. (Butch Quejada)