'Lepto' nakukuha rin sa basura
MANILA, Philippines - Pinamamadali ng Department of Health sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ang paglilinis sa mga nakatambak na basurang iniwan ng bagyong Ondoy at Pepeng.
Ayon kay Dr. Eric Tayag, chief epidemiologist ng DOH, nagpipiyesta ngayon ang mga daga at langaw sa mga hindi nakukuhang basura lalo sa mga lansangan.
Maari aniyang naihian ng daga ang mga pagkain kaya dapat maging malinis sa lahat ng mga bagay.
Ang leptospirosis ay nakukuha sa ihi ng daga na nakakalat sa tubig baha at maaring pumasok sa katawan ng tao kapag lumusong sa tubig na may sugat ang paa.
Pero nilinaw din ni Tayag na hindi lamang sa tubig-baha nakukuha ang sakit kundi maging sa mga restawran o anumang kainan.
Nabatid na karamihan sa mga biktima ng leptospirosis ay mga kalalakihang nasa tamang edad na at hindi mga bata at kababaihan na karaniwang kinakarga o nakasakay sa bangka dahil ang mga kalalakihan ang lumulusong sa tubig-baha kaya sila ang karaniwang tinatamaan ng sakit.
Muli namang ipinaalala ang apat na ‘L’ kaugnay sa sakit na leptospirosis kabilang dito ang ‘lalake sa baha, lumusong sa tubig-baha, lagnat makalipas ang 10 araw, leptospirosis.’ (Doris Franche)
- Latest
- Trending