Eroplano bumagsak: 4 patay!
MANILA, Philippines - Patay ang apat kataong sakay ng isang eroplano matapos itong bumagsak kahapon ng tanghali sa isang subdivision sa Brgy. Aldana, Las Piñas City.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Roberto Rosales, ang insidente ay naganap dakong alas-12:30 ng tanghali matapos na sumabog ang DC–3 aircraft, RPC 550 na pag-aari ng Victoria Air Corporation sa Villa Fidela Subdivision, Plaza Quezon.
Kinilala ang mga biktima sa pangalang Capt. Huane, piloto; Mr. Rivera, Mr. Sinaya at isang Mr. Cadigan.
Sinasabi din na pito katao ang sakay ng naturang eroplano ng umalis sa Ninoy Aquino International Airport General Aviation para magsagawa ng test flight sa Palawan.
Halos durog at sunog na sunog ang mga bangkay na narekober dito kaya susuriin na lang ang Flight manifest upang matukoy ang pag kakakilanlan ng mga ito. Pinaniniwalaan naman na nagkaroon ng aberya ang eroplano habang nasa ere kaya bumagsak.
Nabatid na nagtake-off ang nasabing light plane sa NAIA patungong Palawan nang bigla na lamang itong bumulusok paibaba at umapoy pagbagsak sa isang bodega rin sa naturang lugar. Sumugod naman ang mga bumbero sa lugar at naapula ang apoy pagkalipas ng ilang oras.
Ayon naman kay Philippine Air Force (PAF) spokesman Lt. Col. Gerry Zamudio, agad na rumisponde sa crash site ang isa nilang chopper mula sa Villamor Air Base upang tumulong sa search and retrieval operations sa mga biktima ng trahedya.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyaring pagbagsak ng naturang light plane habang hinahanap ang “black box” na magbibigay linaw sa insidente.
Samantala, kinukumpirma din ng mga otoridad ang balitang sapilitang kinuha ang eroplano mula sa hangar.
- Latest
- Trending