MANILA, Philippines - Iginiit ni Senador Mar Roxas ang agarang pag pasa sa Liquefied Petroleum Gas Industry Act of 2009 o Senate Bill 3418 sa gitna na rin ng pagdami ng mga nabibiktima ng depektibo at basurang tangke ng LPG na nagmimistulang “time bomb” sa kusina ng milyun-milyong tahanan sa bansa.
Ayon kay Roxas, ang mahalaga sa ngayon ay ang buhay ng tao. “Mahalaga ang buhay ng bawat isa. Lalo na ang sa mahihirap. Hindi pwedeng maging abo na lang ang pangarap ng bawat pamilyang Pilipino dahil sa peke at depektibong mga LPG tanks,” anya.
Kamakailan lamang ay dumulog sa tanggapan ni Senator Roxas ang mag-anak ng biktimang sina Roger, 45, Rufina Mejos, 44 at Mark Mejos gayon din si Abigail Eugenio 25, ng Malabon para iparating sa mambabatas ang kanilang kahilingan ang agarang pagbabawal ng paggamit ng depektibo at pekeng LPG tanks na nagsisislbing time bombs. Ayon sa pamilya Mejos, dalawa ang namatay at 16 ang nasugatan ng sumabog ang tangke ng LPG sa isang lugawan sa Malabon na kanilang kinainan noong Hunyo 21, 2009.
“Sana po mag-isip, isip ho tayo na mahalaga ang buhay ng tao, hindi ang kailangan na magtipid ka kapalit ng buhay ng mga mahal natin sa buhay.” May pagdaramdam na sambit ni Abigail Eugenio, na nagtamo ng sunog sa katawan na muntik na niyang ikinasawi.
Sabi ni Roxas, aabot sa tatlong milyong LPG tanks ang dapat ibasura habang tatlong milyon naman ang kinakailangang dumaan sa requalification o pagsusuri. Tinatayang higit na sa 1,700 ang kaso ng sunog sanhi ng pagsabog ng depektibong LPG tanks ang naganap mula ng 2004 hanggang 2008, ayon sa Bureau of Fire Protection. (Butch Quejada)