MANILA, Philippines - Umaabot sa 1.7 milyong katao ang kinakailangan na mabigyan ng antibiotic na “prophylaxis” na panlaban sa lumalalang sakit na leptospirosis.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, iineksiyunan ng mga health officers ng 200mg ng prophylaxis ang nasabing bilang ng mga taong nalantad sa tubig baha para makaiwas na sa leptospirosis.
Sinabi pa rin ni Duque na 1.7 milyong katao sa Metro Manila at Calabarzon area ang nalantad sa leptospirosis kung saan 1,027 na ang naitalang nagtataglay nito mula ng manalasa ang bagyong Ondoy at Pepeng.
Dahil dito, naglabas ng direktiba ang Department of Health sa mga ospital, kung saan dapat ilipat na sa ibang ospital ang mga pasyente kung naabot na ang itinakdang quota na 200 pasyente kada ospital.
Sa huling talaan ng DoH, 28 katao na ang namamatay sa leptospirosis at 800 pa ang nabiktima bunsod ng pagbaha. Pinaniniwalaan din na mahigit 300 katao pa ang posibleng mamatay sa naturang sakit.
“...tansa namin, ang estimate, ‘wag naman sana mangyari, ay baka umabot sa lagpas 300 ang mamatay, eto ho ay estimate natin kung magpapatuloy na may magkakasakit, hindi nagpakonsulta, at hindi nadialysis,” ani Tayag.
Ang leptospirosis ay isang uri ng malubhang sakit na nakukuha mula sa ihi ng daga na karaniwan ng sumasama sa tubig baha.
Magugunita na ang mga lungsod ng Mari kina, Pasig sa Metro Manila at ang bayan ng Cainta ang pinakagrabeng dumanas ng flashflood kung saan dito rin unang nagkaroon ng leptospirosis outbreak.