Paglilinis sa Ilog Pasig patapos na
MANILA, Philippines - Tiniyak ni Environment and Natural Resources Secretary Lito Atienza na matatapos ang dredging operation sa Ilog Pasig sa pagtatapos ng 2010.
Iniulat ni Atienza na ang dredging sa Pasig river ay nagsimula may dalawang buwan na ang nakalilipas bago nanalasa ang bag yong “Ondoy” na nagpalubog sa bahagi ng Maynila at karatig na mga lungsod. Kung hindi anya dahil sa dredging operation, maaaring mas matindi pa ang naranasang kalamidad.
Tinatayang umabot sa 468,000 metro kubiko ng kontaminadong material ang na-dredge na mula sa bunganga ng Ilog Pasig at Manila Bay.
Sa kabila nito, inatasan niya ang Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) na pakilusin na ang dalawa pang dredging equipment upang hindi maantala ang proyekto laban sa hindi inaasahang mga kalamidad.
Sinabi niya na mahalaga ang pag-dredge sa 20-kilo metrong ilog upang maiwasan ang mas malala pang pagbaha sa Kalakhang Maynila, lalo na ang Laguna de Bay na ang Ilog Pasig ang tanging daluyan palabas ng Manila Bay. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending