Super bagyo uli!
MANILA, Philippines - Nagbabala na ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services (PagAsa) sa isa pang “super bagyo” na inaasahan umanong papasok bukas sa bansa.
Nabatid mula sa US National Oceanic and Atmospheric Administration (NOAA), ang bagyo na may international name na Tropical Storm 22W ay huling namataan sa layong 144 kilometro ng timog-timog-kanluran ng Guam taglay ang lakas ng hangin na aabot sa 205 kilometro bawat oras.
Gayunman, sinabi ni Nathaniel Cruz, Weather Chief Bureau ng PagAsa na bagaman malayo pa ang bagyo at wala pa sa bisinidad ng area of responsibility ng Pilipinas, inaasahan na lalung lalakas at bibilis ito sa susunod na 24 oras.
Bunsod nito, sinabi ni PagAsa Director Prisco Nilo na kailangang paghandaan ng bawat mamamayan ang pagdating ng naturang super bagyo na pinangalanang “Ramil” dahil may posibilidad umano itong matulad kay bagyong Ondoy o Pepeng.
Bukod kay Ramil, apat pang bagyo ang inaasahang tatama sa bansa hanggang sa pagtatapos ng Disyembre ng taong ito. May 18 bagyo na ang pumasok sa bansa na ang pinakahuli ay si Pepeng.
Kahapon ng umaga, isa pang sama ng panahon ang patuloy na binabantayan ng PagAsa dahil ito ay nasa may 290 kilometro hilaga hilagang kanluran ng Puerto Princesa at patuloy na nakakaapekto sa Luzon at Visayas area. Ang mga lugar na ito ay patuloy na makakaranas ng maulap na kalangitan na may paminsan-minsang pag-uulan.
Samantala inaasahan na ang pagdating sa bansa ng Doppler radar na ilalagay sa Subic, Zambales upang magamit sa pagtantiya ng ulan at bugso ng hangin sa Metro Manila.
Tanging ang Baler, Quezon; Aparri, Cagayan; Virac, Catanduanes at Guia, Eastern Samar ang mayroon ng naturang radar dahilan sa ito anya ang mga palagiang lugar na dinadaanan ng bagyo.
Noong bagyong Ondoy, hindi nasukat ng PagAsa ang dami ng ulan sa Metro Manila dahil wala silang radar para rito.
- Latest
- Trending