Gibo nalong pangulo sa mock poll
MANILA, Philippines - Ang pambato ng Lakas-Kampi-CMD sa pampa nguluhang halalan sa 2010 na si Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro ang nanalo sa mock presidential elections na nilahukan ng mga miyembro ng House of Representatives matapos magkaroon ng mas maraming boto sa pinagsamang tatlo pang presidentiables.
Ayon sa mga political analyst, ang malaking panalo ni Teodoro ay patunay na siya’y malakas na kalaban sa 2010 presidential race laban sa kasalukuyang nangunguna sa opinion polls na si Sen. Noynoy Aquino.
“Teodoro is poised to give Aquino a classic fight for the 2010 polls,” sabi ng political analyst na si Ramon Casiple, chairman ng Consortium on Electoral Reforms.
Si Teodoro ay nakakuha ng 90 boto, na may average na 58.8 percent, mula sa 153 kongresista na sumali sa dalawang araw na botohang inorganisa ng may 36 sa 41 regular Congressional reporters.
Si Sen. Manuel Villar ng Nacionalista Party ay pumangalawa na mayroong 25 boto, sumunod si Sen. Francis Escudero ng Nationalist People’s Coalition (20 boto) at Sen. Aquino Liberal Party (7 boto).
Si DILG Secretary Ronaldo Puno naman ang naging paborito bilang bise presidente sa natamong 55 boto.
Ang iba pang presidentiables na nakakuha rin ng boto ay sina Sen. Richard Gordon, 4; dating President Joseph Estrada, 2; at Vice President Noli de Castro, Public Highways Secretary Hermogenes Ebdane at Metro Manila Development Authority Chairman Bayani Fernando, tig-isang boto.
Sa vice-presidential race, ang mga nakakuha ng boto ay sina Sen. Loren Legarda, 21; Sen. Manuel “Mar” Roxas, 18; Finance Secretary Margarito Teves, 13; Makati City Mayor Jejomar Binay, 11; at Sen. Jamby Madrigal, 1.
Ang botohan ay ginawa mula Oktubre 12-13, habang ang pagbilang sa mga balota ay ginawa kahapon kung saan sina Cong. Emil Ong ng Northern Samar at Cebu Rep. Antonio Cuenco ang mga naging tabulator. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending