MANILA, Philippines - Tinapos na ng Senate Committee of the Whole ang pagpiprisinta ng ebidensiya hinggil sa reklamong isinampa laban kay Senador Manny Villar kaugnay sa kontrobersiyal na C-5 road extension project.
Sa halip, si Atty. Ernesto Francisco na abogado ng komite, ang binigyan ng deadline ni Senate President at COW Chairman Juan Ponce Enrile para isumite nito ang kanyang motion to offer evidence sa Oktubre 16.
No show din si Sen. Jamby Madrigal sa huling araw ng pagdinig na siya sanang inaasahang magbibigay ng summation tungkol sa C5 investigation.
Nangako naman si Senador Aquilino Pimentel Jr., kasama ang Senate opposition na kinabibilangan nina Senador Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Francis Pangilinan at Joker Arroyo na kokontrahin nila ang anumang guilty verdict na ipapataw kay Villar.
Ani Pimentel, ipaglalaban nila sa Senado ang pagiging inosente ni Villar lalo pa at wala naman basehan ang akusasyon ni Madrigal at Sen. Panfilo Lacson.
Una ng ipinahayag ng ilang testigo dito na sina Bureau of Internal Revenue Officer Carmelita Bacod, Dept. of Public Works and Highways Special Investigator Carlos Bacolod Jr., at Senate Director General Atty. Yolanda Doblan na walang anomalyang ginawa si Villar at ang kumpanya nito at iisa lang ang insertion o amendment sa C-5 project.
Sinabi naman ni dating Cavite Rep. Gilbert Remulla na dapat humingi ng paumanhin sina Lacson at Madrigal kay Villar at isoli ng mga ito ang perang naaksaya ng Senado sa pagsasagawa ng imbestigasyon dito matapos patunayan ng mga testigo na walang double insertion, walang road diversion at walang corruption. (Butch Quejada/Malou Escudero)