MANILA, Philippines - Pinawi ng Department of Agriculture (DA) ang pangamba ng publiko sa posibleng kakulangan ng suplay ng gulay lalo na sa maraming bahagi ng Luzon at Metro Manila. Ayon kay DA Secretary Arthur Yap, may mga lugar na pansamantalang mapagkukunan ng suplay ng gulay tulad ng Sariaya, Quezon; Nagcarlan, Laguna; Bulacan at ilang lugar sa Cebu at IloIlo.
Ang Baguio City ang siyang supplier ng 55 porsiyento ng gulay sa Luzon at Metro Manila pero dahil sa nagdaang kalamidad malamang mabawasan ang sinusuplay nitong gulay sa kalakhang Maynila.
Sinasabing, ilang palengke sa Metro Manila at Luzon ang tumaas ng mga 300 porsyento ang presyo ng gulay.
Bunsod nito, tiniyak ni Yap na makakarating sa Metro Manila ang may 69 tonelada ng gulay mula sa Nueva Viscaya agricultural terminal upang mapunan ang pangangailangan sa gulay sa naturang lugar.
Niliwanag naman ng Kalihim na hindi naman lahat ng mga gulay sa palengke ay tumaas ang presyo kaya patuloy ang pakikipag-usap ng ahensiya sa mga retailers. Sa mga mamimili, maaari naman aniyang makapamili sa mga gulay na hindi tinamaan ng kalamidad. gaya ng gulay na kalabasa, sayote, upo at hard vegetables na hindi apektado ng mga pag-ulan.
Ang kritikal at tinamaan ng bagyo ay mga talbos gaya ng pechay, carrots, lettuce at cabbage na galing sa Northern Luzon. (Angie dela Cruz)