MANILA, Philippines - Bukas na ang mga pangunahing daan paakyat sa Baguio city kung kayat hindi na kukulangin ang supply ng gasolina dito.
Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Romeo Momo, bukas na sa lahat ng klase ng sasakyan ang Naguillan road, samantalang ang Kennon Road ay para sa mga light vehicles lamang.
Idinagdag pa ni Momo na puspusan ang ginagawa nilang pagkukumpuni sa mga daang paakyat ng Baguio na lubhang nasalanta ng pagguho ng lupa dahil kay Pepeng.
Posibleng ngayong hapon umano ay bukas na rin sa publiko ang Marcos highway.
NIlinaw pa nito na aabutin ng isang buwan bago matapos ang general rehabilitation sa mga paakyat ng Baguio dahil nahihirapan umano silang ipagdugtong ang mga naputol na daan gaya ng Marcos Highway at Kennon Road.
Bukod dito kailangan din ang malaking halaga upang tuluyan maisailalim sa rehabilitasyon ang nasabing mga lugar. (Gemma Garcia/Rudy Andal)