Suporta sa Manalo Avenue hiniling
MANILA, Philippines - Hiniling ni Quezon City Majority Floor Leader Councilor Ariel Inton sa Kongreso at Senado na suportahan ang kanilang panukalang ordinansa na nagpapanukalang ipangalan sa yumaong Iglesia ni Cristo Executive Minister Eraño “Ka Erdy” Manalo ang Central Avenue sa lungsod sa halip na ang Commonwealth Avenue na ipinanukala naman ni Bicol Rep. Dato Arroyo.
Inamin naman ni Inton na bagaman posible ang panukala ng kongresista, maari itong matagalan dahil kailangan itong dumaan sa deliberasyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Ipinaliwanag ng konsehal ng 4th district ng lungsod na hindi katulad ng Central Avenue na isang city road, city council ang may kapangyarihang mag-apruba upang baguhin ang pangalan nito.
Inaprubahan ng Quezon City Council ang isinulong na panukala ni Inton na isunod sa pangalan ni Ka Erdy ang Central Avenue bilang pagbibigay pugay sa kadakilaan ng lider ng maimpluwensyang relihiyon. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending