Reyes pinagbibitiw
MANILA, Philippines - Tinawag na palpak umano si Energy Secretary Angelo Reyes dahil sa napipintong power crisis samantalang binanatan naman siya ng ilang senador at mga obispong Katoliko dahil sa pagsasabi ng nakakatakot na senaryo sa susunod na eleksiyon sa Mayo.
Binatikos ni Senador Chiz Escudero si Reyes dahil sa pagkabigo na solusyunan ang napipintong krisis sa elektrisidad.
Pinuna ni Escudero na palpak si Reyes bilang DOE secretary at dahil dito, ang mga mamamayan ang magdurusa kapag nagkaroon ng krisis sa kuryente.
Sinabi naman ni Rep. Joel Maglunsod ng Anakpawis na dapat ay kaagad na magbitiw sa tungkulin si Reyes.
“Hinihiling ko kay Secretary Reyes na magbitiw sa tungkulin upang masagip ang publiko sa problema ukol sa krisis sa kuryente,” wika niya.
Binanatan din nina Senador Panfilo Lacson at Edgardo Angara si Reyes dahil sa pagsasabing kailangang bigyan ng emergency powers si Pangulong Arroyo upang masolusyunan ang krisis sa kuryente.
Ayon kay Borongan Bishop Crispin Varquez, dapat ay magbigay ng kasiguraduhan si Reyes na walang magaganap na brownout bago, habang at pagtapos ng eleksyon sa Mayo. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending