MANILA, Philippines - Inatasan kahapon ni Philippine National Police Chief Director General Jesus A. Verzosa ang PNP Maritime Group na paigtingin ang seguridad sa mga karagatan ng bansa laban sa mga nagtatapon ng basura.
“Ang pulisya ang mangunguna sa pagpapatupad ng mga batas laban sa pagtatapon ng basura sa mga dagat at ordinansa ukol sa kalikasan. Ang mga nakaraang bagyo ay isang senyales na kailangang magtulungan tayong lahat upang pangalagaan ang ating kapaligiran,” wika ni Versoza.
Pinuri ni Versoza ang mga miyembro ng PNP dahil sa kanilang walang patid na pagbisita at pagtulong sa mga lugar na nangangailangan sa kasagsagan ng mga bagyong Ondoy at Pepeng.
Aniya, malaki na ang nagawa ng PNP upang pangalagaan ang kalikasan kabilang ang mga proyektong Pulis Makakalikasan at Scubasurero na naglalayong magtanim ng mga puno at linisin ang mga dagat. (Butch Quejada)