MANILA, Philippines - Bumanat muli ang mga pinaghihinalaang miyembro ng bandidong Abu Sayyaf matapos dukutin ang isang dayuhang paring Irish nitong Linggo ng gabi sa Pagadian City, Zamboanga del Sur.
Kinilala ni Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command Spokesman Major Ramon David Hontiveros ang kinidnap na biktima na si Michael Sinnott, 78 anyos, ng Columban Missionaries.
Ayon kay Hontiveros, dinukot ang dayuhang pari dakong alas -7:20 ng gabi kamakalawa matapos na bigla na lamang sumulpot ang anim na armadong kalalakihan sa Columban House sa Gatas District, Pagadian City at puwersahang tangayin ang biktima.
Isinakay ng mga suspect ang dayuhang pari sa isang mini-van (GBL-687) na tumahak patungo sa direksyon ng Sta. Lucia District at dito’y sinunog ang nasabing sasakyan saka lumipat sa isang bangka na tumahak patungo sa hindi pa malamang destinasyon.
Ayon kay Hontiveros, pinalakas na nila ang kanilang intelligence operations upang matukoy ang grupong nasa likod ng pagbihag kay Sinnott.
Inihayag naman ni Police Regional Office 9 Director Chief Supt. Angel Sunglao na ang mga bandidong Abu Sayyaf lamang ang may kakayahang magsagawa ng kidnapping for ransom sa Western Mindanao. Sa impormasyong nakalap ni Sunglao, ang mga kidnappers ay namataang tumahak sa direksyon ng Tukuran, Zamboanga del Sur .
Sa kasalukuyan ay wala pang ransom demand na natatanggap ang Columban House mula sa grupo ng mga kidnappers.
Base naman sa isang kalatas na ipinoste sa website ng Navan-based Columban Missionaries, naglalakad ang biktima sa kanilang hardin nang tangayin ng mga armadong kidnappers. Nagpahayag rin ng pagkabahala ang mga kasamahang misyonero ni Sinnott dahil maysakit ito sa puso.
Isinasara ng tatlong empleyado ang gate ng kumbento nang itulak ang mga ito ng mga armadong kalalakihan na sinabing nais nilang makausap si Sinnott pero nang makita ang misyonaryong pari ay tinutukan ito ng baril at kinaladkad pasakay sa behikulo.
Nabatid na si Sinnott ay nagmi-misyonaryo sa Pilipinas sa loob ng 40-taon.
Magugunita na si Italian priest Fr. Giancarlo Bossi ay dinukot sa bayan ng Payao, Zamboanga Sibugay noong 2007 ng Abu Sayyaf at pinawalan matapos ang ilang buwan pagkaraang umano’y magbayad ng ransom.