ECC ng Caticlan airport hiling i-recall sa DENR
MANILA, Philippines - Hiniling kahapon ni Aklan Governor Carlito Marquez kay Environment Secretary Lito Atienza na agad bawiin ang Environmental Clearance Certificates ng developer ng Caticlan Airport dahil sa umano’y ginawa nitong iba’t ibang paglabag.
Agad din namang sinuportahan ng Boracay Foundation Inc. ang hakbang ni Marquez na limitahan ang development ng airport sa domestic operations lamang at hindi bilang international airfield na siyang isinusulong ng Department of Transportation and Communication.
Ayon kay Marquez, kailangang muling suriin ni Atienza ang inisyung ECC sa Boracay International Airport Development Corp. matapos madiskubre na papatagin ng developer ang Caticlan hill para sa upgrading ng paliparan.
Sinabi ni Marquez na dapat gawing prayoridad ng DENR ang kaso ng Caticlan kung saan inisyu ang ECC noong 2006 ni dating DENR Secretary Angelo Reyes. Ang naturang ECC ay recycled na lamang at siya ring ginamit na basehan para aprubahan ng National Economic Development Authority ang pag-upgrade ng naturang airport.
Iginiit ni Director Edwin Trompeta, regional director ng Department of Tourism, na ang kanilang kasalukuyang prayoridad ay matanggal ang isang bahagi ng bundok upang ang kabuuang haba ng runway ay magamit ng mga eroplano sa pag-landing at pag-takeoff sa Caticlan.
Subalit sa isang pag-aaral na isinagawa ni Dr. Ric Javelosa, morphologist ng Mines and Geosciences Bureau, ibinabala nito na ang pagpatag sa bundok ay magreresulta ng tuluyang pagkawala ng beaches ng Boracay.
Ayon sa gobernador, kailangang imbestigahan ni Atienza kung paano inaprubahan ng NEDA ang kontrobersyal na proyekto dahil, nang mag-isyu si Reyes ng ECC, wala namang nabanggit hinggil sa pagpapatag ng bundok sa dulo ng kasalukuyang runway.
Bukod dito, si BFI president Loubelle Cann ay nagsabi na ang panukalang international aiport sa Caticlan ay hindi naman tunay na kailangan dahil napakalapit lamang nito sa Kalibo Airport na mayroon nang mas malawak na lugar. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending