MANILA, Philippines - Limang araw na makakapahinga sa bagyo ang Pilipinas matapos ang pananalasa nina Ondoy at Pepeng.
Ayon kay Dr. Prisco Nilo, administrator ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), pansamantalang hindi muna mararanasan ng bansa na atakehin ng bagyo sa loob ng limang araw matapos na tuluyang lumayo sa ban sa si Pepeng na kasalukuyang tumatahak patungong South China Sea.
Sa pag-alis ni Pepeng, hindi na umano ito magkakaroon ng epekto sa ating bansa, ngunit magkakaroon pa rin anya ng pag-ambon sa ilang bahagi ng Luzon.
Sa ulat ng Pagasa, si Pepeng ay nasa layong 360 km west ng Laoag City, na may lakas na hanging 55 kph sa gitna.
Si Pepeng, na naging super typhoon ngunit humina matapos na bumagsak ito sa Northern Luzon ng tatlong beses.
Samantala, may 16,000 ektarya ng pananim sa Cagayan province ang napinsala ng typhoon “Pepeng” makaraang rumagasa ito sa Northern Luzon kamakailan.
Magkagayunman, ayon kay Agriculture Secretary Arthur Yap, ang pinsala ay hindi naman makakaapekto sa food security ng bansa.
Tiniyak pa ng kalihim na handa ang pamahalaan sa pag-import ng bigas at iba pang produktong pang-agrikultura kung kinakailangan.
Nauna ipinahayag ni Yap na ang pamahalaan ay may sapat na stocks ng bigas hanggang matapos ang taon sa kabila ng pananalakay ng bagyong Ondoy at Pepeng.
Samantala, siniguro na sa kagawaran ng donor countries at international organizations na magkakaloob ito ng $3.9 million halaga ng crop production assistance sa mga magsasaka, partikular sa National Capital Region at Region 4-A na grabeng sinalanta ang kanilang pananim ng bagyong Ondoy.