MANILA, Philippines - Matapos manalasa ang bagyong Pepeng sa Northern part ng bansa, binuksan na rin ni Pangulong Gloria Arroyo para gawing evacuation at monitoring centers ng Regional Disaster Coordinating Council (RDCC) ng Region 1 ang Mansion House sa Baguio City at ang Malacañang sa Norte na nasa Paoay, Ilocos Norte.
Sinabi ng Pangulo na ang Mansion House sa summer capital na nagsisilbing tahanan ng mga nagiging pangulo ay agad na bubuksan para sa mga empleyado ng gobyerno na nawalan ng tahanan at mga nagsilikas dahil sa bagyong Pepeng.
Ang “Malacañang ti Amianan” naman sa Ilocos ay gagawing pansamantalang opisina ng RDCC Region 1 kung saan ang jurisdiction ay pinalawak hanggang probinsiya ng Abra.
Ang Vice President cottage, isang property na pag-aari ng Development Bank of the Philippines (DBP) sa Baguio City, ay ginawa ng Pangulo bilang tanggapan ng Baguio City Disaster Coordinating Council (DCC).
Inobliga rin ng Pangulo ang mga kadete ng Philippine Military Academy (PMA) na tumulong sa mga empleyado ng gobyerno na pansamantalang tutuloy sa Mansion House.
Sinigurado ng Pangulo sa mga naapektuhan residente sa Northern at Central Luzon na ginagawa ng gob yerno ang lahat upang mapagaan ang nararanasang hirap ng mga evacuees.
Matatandaan na binuk san din ng Pangulo ang Malacanang Palace para sa mga evacuees na ang ilan ay nagmula pa sa Marikina matapos manalasa ang bagyong Ondoy. (Malou Escudero)