600 pamilya sa Laguna nabiyayaan ng LTO ng relief goods
MANILA, Philippines - Umaabot sa 600 pamilya na sinalanta ng bagyong Ondoy sa mga barangay sa Sta. Cruz, Laguna ang benipisyaryo ng ikatlong bugso ng relief operations ng Land Transportation Office (LTO) na may isang linggo nang nakalubog sa baha.
Ang relief operations ay pinangunahan ni LTO Executive Dir Jimmy Pesigan, HEA dir. Pat Fernandez, Cherry Mendenilla, LTO Les Dir. Edgar Cabase kasama ang mobile patrols at trak ng LTO na nilagyan ng mga relief goods tulad ng bigas, canned goods, used clothing at iba pa.
Sa kanyang panig, sinabi ni LTO Chief Art Lomibao na patuloy pa rin ang kanilang gagawing pamamahagi ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo hanggang sa maubos ang mga relief goods na mula sa QC offices at donasyon mula sa ibat ibang LTO offices nationwide.
Una nang nabigyan ng ayuda ang mga sinalanta ng bagyong Ondoy sa Bgy Silangan, QC; Pampanga. Kasama din na nabigyan ng relief goods ang mga empleyado ng LTO na sinalanta rin ng naturang bagyo. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending